Pumanaw na ang batikang cinematographer na si Romeo “Romy” Vitug sa edad na 86.

Kinumpirma ng anak ni Romy na si Dana Vitug Taylor ang tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan ng Facebook post nitong Huwebes, Enero 18.

“This morning at 6:11pm Philippine time, my TATAY, Romy V Vitug, passed away. He was known as the Legendary Cinematographer in the Philippines world of cinema but we have known him as our Dearly Beloved TATAY!” saad ni Dana.

“Please pray for me and my Family that GOD’S PEACE and COMFORT be upon us as we grieve and mourn for the loss of our Dearly Beloved TATAY,” aniya.

DA tinututukan paggalaw ng presyo ng prutas sa pagsalubong sa 2025

Dagdag pa ni Dana: “TATAY, we will surely miss you. We love you so much! This is not a goodbye but rather until we meet again!”

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga nakatrabaho at nakasalimuha ni Romy sa industriya gaya nina Jerry Gracio, Luke Miraflor, Emmanuel Dela Cruz, Andrew Leavold, at iba pa.

Bagama’t walang binanggit hinggil sa dahilan ng pagkamatay ng ama, matatandaang iniulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong Disyembre 2023 ang tungkol sa paghingi ni Dana ng pinansiyal na tulong dahil naka-confine daw si Romy sa Gentri Medical Center and Hospital sa sakit na anemia at nagkaroon ng komplikasyon ng pneumonia. 

Ayon sa mga tala, isinilang si Romy noong Enero 27, 1937 sa Floridablanca, Pampanga. Anak siya ni Honesto Vitug na tinaguriang umanong “Ama ng Philippine Photojournalism”.

Si Romy ang cinematographer sa likod ng mga klasikong pelikula gaya ng “Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak” (1978), “Alamat ni Juan Makabayan” (1979), “Salome” (1981), “Kung Mahawi Man Ang Ulap” (1984), “Saan Nagtatago Ang Pag-ibig” (1987), “Hihintayin Kita sa Langit” (1991), “Ikaw Pa Lang Ang Minahal” (1992), at “Saan Ka Man Naroroon” (1999).

Nagsimula ang kaniyang unang proyekto bilang cinematographer sa “Hellow Soldier” na ikalawa sa trilohiya ng pelikulang “Tatlo, Dalawa, Isa” ni Lino Brocka noong 1974.

Dahil sa kaniyang husay, nagawaran si Romy ng Lifetime Achievement Award sa Cinemanila International Film Festival noong 2000, Gawad Urian noong Hunyo 2016, at Hall of Fame Award sa 45th Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2019.