Pinag-iingat ng Archdiocese of Cebu ang publiko laban sa ilang indibidwal na gumagamit umano ng imahe ng Niño Jesus upang makapangolekta lamang ng donasyon, kasunod na rin ng nalalapit na pagdiriwang ng Pista ng Sto. Niño sa Linggo.
Naglabas ng public advisory ang Cebu Archdiocese nitong Huwebes at binalaan ang publiko laban sa mga indibidwal na bumibisita sa mga bahay-bahay at maging sa mga establisimyento, at ginagamit ang imahe ni Baby Jesus para makahingi ng donasyon.
Paglilinaw pa ng arkidiyosesis, hindi kabilang sa Simbahang Katolika ang naturang mga indibidwal.
“PUBLIC ADVISORY | Some people are doing establishment and house-to-house visits bringing an image of the Baby Jesus and asking for donations,” anito. “PLEASE BE AWARE. They do not belong to the Roman Catholic Church.”
Kasabay nito, inihayag din naman ng Cebu Archdiocese na ang “Pax Te Cum” ay hindi na isinasagawa dahil tapos na ang panahon ng Kapaskuhan.
“Pax Tecum is no longer conducted since Christmas season is already over. Please be careful. Thank you very much,” anito pa.
Nabatid na ang “Pax Te Cum” ay ang Latin phrase na ang sabihin ay ‘Sumainyo ang Kapayapaan’ o ‘Peace be with you.’
Ginagamit ito sa pagbati at pagpapaalam, partikular na sa religious contexts.