Pansamantalang binawi ng Guinness World Records (GWR) ang titulo ng Portuguese dog na si “Bobi” bilang “pinakamatandang aso sa buong mundo” matapos umanong pagdudahan ang tunay niyang edad.

Matatandaang noong Pebrero 2, 2023 nang pangalanan ng GWR si Bobi bilang “world’s oldest dog ever.”

Ipinanganak daw ang nasabing Portuguese dog noong Mayo 11, 1992. Isang araw bago igawad sa kaniya ang titulo, noong Pebrero 1, 2023, ay nasa edad daw siyang 30 taon at 266 araw.

Pinatotohanan din umano ang kaniyang edad ng SIAC, isang pet database na awtorisado ng Portuguese government at pinamamahalaan ng Sindicato Nacional dos Médicos Veterinários o National Union of Veterinarians.

‘Say hello to Bobi!’ Bagong naitalang oldest dog ever, miraculous daw na nabuhay

Samantala, inihayag ng tagapagsalita ng GWR sa Agence France-Presse (AFP) na pansamantala lamang daw nilang sinususpinde ang titulo ni Bobi simula noong Martes, Enero 16, 2024, habang isinasagawa nila ang imbestigasyon hinggil sa kaniyang edad.

"While our review is ongoing we have decided to temporarily pause both the record titles for Oldest Dog Living and (Oldest Dog) Ever just until all of our findings are in place," anang GWR spokesperson sa AFP.

Hindi naman daw binanggit ng GWR ang dahilan ng pagsususpetsa nila sa tunay na edad ni Bobi.

Samantala, naiulat din sa AFP na may mga beterinaryo umanong nagsususpetsa at nagsabing maaaring hindi totoo ang sinasabing edad ni Bobi. Lumilitaw rin daw na ang mga paa niya sa larawan noong tuta pa lamang siya ay ibang kulay sa mga huli niyang larawan bago ang kaniyang pagpanaw.

"He doesn't look like a very old dog... with mobility problems... or with an old dog's muscle mass,” giit din ng isang beterinaryo sa Lisbon na si Miguel Figuereido sa AFP.

Sa gitna naman ng mga pagdududa, binigyang-diin ng fur parent ni Bobi na si Leonel Costa na hindi sila nagsisinungaling at wala raw basehan ang mga hinalang ibinabato sa kanila.

Binanggit din niya sa AFP na umabot daw sa halos isang taon ang certification procedure para sa titulo ni Bobi, at nag-comply raw sila sa lahat ng mga requirement ng GWR.

Inakusahan naman ni Costa ang “certain elite in the veterinary world" bilang nasa likod umano ng naturang mga paghihinala, dahil hindi raw nila matanggap na nabuhay si Bobi nang ganoon katagal dahil sa pagpapakain sa kaniya ng "natural diet" sa halip na “dog food.”

Matatandaang noong Oktubre 21, 2023 nang pumanaw si Bobi sa edad daw na 31 taon at 165 araw.

https://balita.net.ph/2023/10/24/run-free-bobi-pinakamatandaang-aso-sa-mundo-pumanaw-na/

Bago ito, naging laman din ng mga balita sa iba’t ibang dako ng bansa si Bobi nang magdiwang siya ng kaniya umanong 31st birthday noong Mayo 11, 2023.

https://balita.net.ph/2023/05/11/happy-birthday-bobi-worlds-oldest-dog-ever-nag-celebrate-ng-31st-birthday/