Tuloy o ipo-postpone? Desisyon ni Marcos, hinihintay na lang sa PhilHealth premium rate hike
Hinihintay na lamang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kaugnay sa nakatakdang implementasyon ng premium contribution increase ng mga miyembro ngayong taon.
Binigyang-diin ng ahensya, tanging si Marcos lamang ang makapagpasya kung sususpendihin muna ang implementasyon ng limang porsyentong premium rate increase.
Nauna nang binanggit ni PhilHealth Corporate Affairs Group Acting Vice President Rey Baleña, hinihintay din nila ang resulta ng board meeting ng ahensya nitong Enero 17 kung saan tinalakay ang usapin na pinamunuan ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
Si Herbosa na chairman of the Board ng PhilHealth ay humiling sa Pangulo na suspendihin muna ang naturang hakbang ng PhilHealth dahil sapat pa ang pera ng ahensya sa pagbibigay ng benepisyo sa mga miyembro nito.
Sa ilalim ng Universal Healthcare Law, iniuutos na magkakaroon ng PhilHealth contribution increase ng 0.5 percent kada taon simula 2021 hanggang sa mabuo nito ang limang porsyento mula 2024 hanggang 2025.