Talaga nga namang likas na sa mga Pinoy ang pagiging makwela.

Gumawa ang netizen na si Brandon Arcilla Chavez ng template mula sa viral photo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Dinogshow: Nanalong lone bettor ng Lotto 6/42, 'kahina-hinala' raw

Sa Facebook post ni Chavez, inupload niya ang ginawa niyang template para sa mga gusto raw manalo sa lotto.

“Sa mga ganahan madaog sa lotto diha dara ang template oh. You're welcome! (Sa mga gusto manalo sa lotto diyan 'to na po yung template),” saad niya sa caption.

Makikita sa ginawa niyang template na wala na sa larawan ang lucky winner ng ₱43M jackpot prize ng Lotto 6/42.

screenshot mula sa post ni Brandon Arcilla Chavez

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Chavez, ikinuwento niya na isa siyang full time multimedia artist sa isang 5-star resort sa Mactan, Cebu at katuwaan lang daw talaga ang paggawa niya ng naturang template.

"So during my shift meron po kaming 1-hour break. Usually pagkatapos mag-lunch naglilibang ako sa pamamagitan ng pagguhit (traditional/digital), at photo editing din, at 'yun na nga naisipan ko lang i-edit 'yung trending na PCSO photo," kuwento niya sa Balita.

"Syempre 'di maitatanggi [na] maraming gusto manalo sa lotto kaya naisipan ko gumawa ng template for entertainment purposes, katuwaan lang talaga sana 'yun para sa mga kakilala ko lang din tapos 'yun 'di ko naman akalain na ganun kadami 'yung engagements. Masaya ako na nakapagpasaya ako ng maraming tao, oks na oks na 'yun para sa'kin," dagdag pa niya.

Itinanong kay Chavez na kung mananalo siya sa lotto, ano ang gagawin niya sa mapapanalunan. Pero sinabi niya na isa siyang proud member ng Iglesia ni Cristo kaya't hindi siya nakikilahok sa pagtaya sa lotto.

Pero kung magkakaroon daw siya ng malaking halaga ng pera, gagamitin niya raw itong puhunan sa negosyo at magbibigay-tulong sa kapwa.

"Gagamitin ko sa pagnenegosyo para po magkaroon ng income generating assets to achieve financial freedom at hindi po mawawala ang charity, syempre. Kasi nga 'di ba po 'what you put out into the universe comes back to you,'" saad ni Chavez.

Habang isinusulat ito, umaabot na ngayon sa mahigit 12K reactions, 746 comments, at 6.3K shares ang naturang post.

Matatandaang naloka ang mga netizen dahil sa Facebook post ng PCSO kung saan nakuha na ng plain housewife mula sa San Jose Del Monte, Bulacan ang tumataginting na ₱43,882,361.60 sa PCSO Main Office na matatagpuan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Anila, kahina-hinala raw ang larawan ng lucky winner dahil mukha raw edited ito.

Maki-Balita: Dinogshow: Nanalong lone bettor ng Lotto 6/42, ‘kahina-hinala’ raw

Samantala, aminado si PCSO General Manager Mel Robles na edited ang viral photo ng lucky winner.

Maki-Balita: PCSO, aminadong edited ang viral photo ng lotto winner

https://balita.net.ph/2024/01/18/pcso-aminadong-edited-ang-viral-photo-ng-lotto-winner/