Ngayon pa lamang ay umaani na ng atensyon sa publiko ang pambato ng Iloilo sa Miss Universe Philippines 2024 na si Alexie Mae Brooks, 22-anyos at isang student athlete mula sa National University (NU) sa bayan ng Leon sa nabanggit na lalawigan, matapos nitong masungkit ang korona sa ginanap na coronation night sa West Visayas State University Cultural Center na matatagpuan sa La Paz, Iloilo City noong Enero 13.

Pinahanga ni Brooks ang mga hurado at manonood dahil sa kaniyang natural na poise at karisma sa tuwing lumalabas at rumarampa siya sa entablado.

Hindi kataka-takang bukod sa titulo, siya rin ang ginawaran ng Best in Swimsuit, Best in Designers’ Fashion Show, Best in Cultural Costume awards, at iba pa.

Talaga namang namangha ang mga netizen sa naging tatas at talas niya sa pagsagot sa Q&A portion.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Aminado naman si Brooks na noong kabataan niya ay nakaranas siya ng pambu-bully mula sa mga kaklase sa paaralan dahil sa kaniyang kutis at kulot na buhok.

Hindi rin ikinakahiya ni Brooks na siya ay isang tindera ng gulay noon. Aniya, ang kaniyang ina ay isang overseas Filipino worker (OFW) sa Lebanon.

Ang nag-alaga sa kaniya sa Pilipinas ay kaniyang lola na si Lola Basing, at anuman daw ang mayroon siya ngayon, utang niya ito sa nag-arugang lola.

Samantala, sa dating at karisma daw ay marami ang nagkukumpara sa kaniya kay Miss Universe 2019 Zozibini Tunzi mula sa South Africa.

Kaya naman, kung papalarin, may malaking tsansa raw ang Pilipinas na muling makabalik sa winning streak sa nabanggit na prestihiyosong beauty pageant kung mananalo si Brooks sa Miss Universe Philippines 2024.