Suportado ni Manila Mayor Honey Lacuna ang proyektong inilunsad ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. nitong Miyerkules para sa rehabilitasyon at pag-develop ng Pasig River.

Personal pang dumalo sa aktibidad si Lacuna, kasama ang kanyang team na mula sa mga tanggapang maaaring tumulong sa proyekto, kabilang na sina City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at Charlie Dungo, na siyang hepe ng Department of Tourism, Culture and the Arts-Manila (DTCAM).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Lacuna, naniniwala siya kay Pangulong Marcos at kumbinsido na ang proyekto ay napapanahon at dapat na ituloy.

"Sabi ni President Bongbong, magandang project na dapat ma-continue. Pagtulungan daw namin. Of course, I said 'yes,' specially since the project will also redound to the benefit of the city," pahayag pa ni Lacuna.

"Tourism kasi ang maglalagay ng mga resto dun. Added income sa city. Saka buong stretch ng Pasig River 'yun. Meron ding housing 'yung tatamaan ng rehabilitation," dagdag pa ng alkalde.

Anang alkalde, maging si First Lady Louise Araneta-Marcos mismo, na katabi niya noong dinner, ay nagpahayag ng katuwaan sa proyekto na isasagawa ng gobyerno nang walang gastos dahil ito ay popondohan ng pribadong sektor.

Nabatid na ang rehabilitation project ay tinawag na  "Pasig, Bigyang-Buhay Muli" at sasakupin nito ang 25-kilometrong kahabaan ng Pasig River.

Inilunsad sa likod ng Manila Central Post Office, ang nasabing urban development project ay inaasahang magta-transform sa Pasig River bilang sentro ng economic activity at magsusulong ng transport connectivity sa Metro Manila sa kalapit na lalawigan.

Sinabi ni Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang proyekto ay nagkakahalaga ng P18 bilyon, at target na matapos sa loob ng tatlong taon.

Mayroon aniyang nasa 10,000 informal settlers ang maapektuhan ng proyekto ngunit siniguro ni Acuzar na sila ay tutulungan sa pamamagitan ng housing program ng pamahalaan.