Nagbigay ng saloobin sa pamamagitan ng Facebook post ang direktor at scriptwriter na si Ronaldo C. Carballo hinggil sa narinig niyang talent fee ng aktor na si Ian Veneracion kapag may public appearance, kagaya na lamang ng mga pista sa iba't ibang probinsya.

Ayon sa post ni Direk Ronaldo, ang mahal daw pala ni Ian kapag naimbitahan ito sa isang public appearance.

"Requested sya, kaya kinukuha sya ng Tarlac Festival, to be held on Last Sunday of January, 2024. Sasakay sya sa float at ipaparada sya sa bayan ng Tarlac City. Kakaway-kaway lang sya. Ni hindi siya kakanta," anang direktor-scriptwriter.

₱500,000 kada dalawang oras daw ang TF ni Ian, at kung lalagpas dito, ay may dagdag na ₱100,000, ayon daw RM o road manager ng aktor.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"Sabi raw ng Road Manager ni Ian, "500K si Ian in two hours sa parade at pag lumagpas ng two hours, may 100k additional per hour. Kung may mga kasamang ibang artista, dapat may sarili silang float.' Dapat solo lang si Ian sa sarili nyang float at walang kasamang kung sinu-sino', sabi pa raw ng Road Manager."

Bukod dito, kailangan daw na may 50% down payment muna sa pirmahan mismo ng kontrata, at bago sumampa sa float si Ian, dapat ay nabayaran na raw siya ng buo.

"'Walang problema sa bayad. Matagal ko nang client sila at kung sinu-sino nang nadala kong mga mas sikat pang artista sa Tarlac at wala kaming naging problema' sabi ng Talent coordinator."

Dagdag pa ng director, "So, ni-report ng Talent coordinator ang lahat ng sinabi ng RM sa mga pamunuan ng Tarlac Festival na silang magbabayad. Okey naman daw ang 500k kahit sobrang mahal. Ang hindi nila nagustuhan ay yung, 'Two hours lang si Ian at pag lumagpas may 100k additional per hour.'"

Dito na raw natakot ang mga kumkuha kay Ian, dahil baka raw biglang bumaba si Ian kapag lumagpas na ang dalawang oras, lalo't hindi raw nila kontrolado ang tagal ng oras ng parada. Isa pa, malaking halaga rin ang ₱100k.

Sinabi ng talent coordinator sa road manager na natakot ang kliyente sa ganitong rule kaya hindi na lamang si Ian ang kukunin nila.

Ngunit nang malaman daw ito ni Ian, pumayag na raw ito sa Ian sa ₱500k hanggang sa matapos ang parada.

Subalit tila huli na dahil ang kinokontak na raw ng kliyente ay si Ultimate Heartthrob at Kapamilya Star Piolo Pascual.

Sey naman ng direktor-scriptwriter sa kuwentong ito, "OA ang 500k for a parade kahit limang oras pa. Buti kung binabayaran si Ian ng kahit 200k per day taping/shooting magdamag, kung may Teleserye sya o may pelikula sya. Hetong 500k na hinihingi nya, kakaway-kaway lang sya sa parada."

"Pero baka naman yung Road Manager lang ang nagdi-demand ng ganito, lalo yung dalawang oras lang ang 500k na TF nya, at hindi si Ian--sabi ko."

"'Hindi. Si Ian talaga yun. Na-experience ko na rin si Ian noon. Talagang makwenta sya at nagbibilang talaga sya ng oras,' sabi pa nung Talent coordinator."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Ian Veneracion tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.