Naghayag ng sentimyento si Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa mga natutuwang makakita ng illegal sites kung saan pwedeng mapanood ang mga pelikulang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival.

Sa Facebook post ni Guanzon nitong Lunes, Enero 15, sinabi niyang pinapatay daw ng mga namimirata ang film industry sa Pilipinas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Maraming natutuwa na makakita ng illegal site na kung saan mapapanood nila ang MMFF movies tulad ng ‘Rewind’,” ani Guanzon.

“Pero pinapatay ninyo ang film industry natin kaya di na tayo makausad at makagawa ng quality movies dahil wala ng gustong mag-produce,” saad niya.

Dagdag pa niya: “Sa tuwing ginagawa natin ito, para na nating pinagnakawan ‘yong mga naghirap, nagpakapagod para magawa ang sining na ‘yon.”

Depensa naman ng maraming netizens, mahal daw kasi ang ticket sa sine. Hindi abot-kaya lalo na sa mga karaniwang manggagawa na sumasahod lang ng minimum wage o ng mas mababa pa rito.

“Mam cguro kc mahal na din Ang sine 🥹”

“Pag nanood ka sa sinehan ang mahal ng tiket. Tapos gagastos ka pa sa snacks o meryenda. Transpo pa... Imbes na makapagrelax ka eh nabutas pa bulsa mo ng 1k... Isang tao pa lang un... 😃”

“Dahil s kahirapan ,mahal ang Sine!”

“Para sa mga minimum wage earner, ang 300-400 na ticket ay napakamahal. Ilang kilong bigas na po yan. Isa pa sa dahilan, mahal na yung ticket pero di na rin kagaya dati na pwede mong panoorin ng paulit-ulit basta hindi ka pa nakakalabas sa sinehan. Yan reklamo ng mama ko 😅”

“Mahal po kasi para sa typical na minimum Wage earner madam ATTY.”

Pero sa isang hiwalay na Facebook post ni Guanzon, nangatwiran siyang hindi dapat ginagamit na justification ang kahirapan para mamirata.

“Hindi po lahat ng nanonood ng sine mayaman. Respeto nalang talaga sa kapwa dahil pinaghirapan nila ‘yon,” saad pa niya.

Samantala, sa kabila ng mga pamimirata, pumalo na sa record-breaking na ₱1.069 bilyon ang kabuuang kinita ng mga pelikulang kalahok sa 2023 MMFF noong Enero 9.

MAKI-BALITA: Ticket sales ng MMFF 2023, pumalo na sa record-breaking na ₱1.069B