Pinatawag ng Chinese government ang Philippine envoy to China upang magpaliwanag umano kung bakit binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bagong halal na pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te.
Ayon sa Chinese Embassy in Manila nitong Martes, Enero 16, pinatawag ni Chinese Assistant Foreign Minister Nong Rong si Philippine Ambassador to Beijing Jaime FlorCruz dahil lubos daw na “hindi nasisiyahan” ang Beijing sa naging mensahe ng pagbati ni Marcos kay Lai.
Matatandaang nito lamang Lunes ng gabi, Enero 15, ay binati ni Marcos si Lai sa pagkapanalo nito sa halalan ng pagkapangulo sa Taiwan.
“On behalf of the Filipino people, I congratulate President-elect Lai Ching-te on his election as Taiwan’s next President. We look forward to close collaboration, strengthening mutual interests, fostering peace, and ensuring prosperity for our peoples in the years ahead,” ani Marcos sa kaniyang X post.
Ni-repost naman ito ni Lai at nagpasalamat sa pagbati ni Marcos.
“Thank you, President [Marcos] for your congratulations. I deeply value the enduring friendship between Taiwan & the Philippines. I look forward to enhancing our economic and people-to-people ties while championing democracy, peace & prosperity in the region,” saad ni Lai sa kaniyang X post.
Noon ding Lunes ng gabi ay binalaan na ng China ang mga nagpapahayag ng pagbati kay Lai lalo na’t inihayag na nito ang pagtutol sa muling pagsasama-sama ng Taiwan sa China.
Ayon kay Mao Ning, tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China, ang mga naghahayag ng pagbati kay Lai ay lumalabag sa “One-China Policy.”
Nakasaad sa One-China Policy ang: “All Chinese on either side of the Taiwan Strait maintain there is but one China and that Taiwan is a part of China."
Samantala, nitong Martes ng umaga, muling iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagsunod ng Pilipinas sa One-China Policy.
Ipinaliwanag din ng DFA na ang naging pagbati ni Marcos ay paraan lamang daw niya ng pasasalamat sa pagtanggap ng Taiwan sa humigit-kumulang 200,000 overseas Filipino workers (OFWs) doon.
“The message of President Marcos congratulating the new president was his way of thanking them for hosting our OFWs and holding a successful democratic process,” paliwanag ng DFA.
Joseph Pedrajas