Maximum tolerance, paiiralin sa tigil-pasada sa Enero 16 -- PNP
Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang maximum tolerance sa mga makikilahok sa transport strike sa Martes, Enero 16.
Ito ang tiniyak ni PNP chief, Gen. Benjamin Acorda, Jr. sa press conference sa Camp Crame nitong Lunes.
Nais bigyan ng PNP ng espasyo ang mga magpoprotesta na ipahayag ang kanilang saloobin basta’t hindi makakaabala sa mga regular na aktibidad sa mga lugar na pagdarausan ng kanilang protesta.
Inaasahang lalahok sa protesta ang Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston).
Nauna nang inihayag ni Manibela President Mar Valbuena na tinatayang aabot sa 15,000 jeepney driver at operator ang inaasahang lalahok sa protesta.
Layunin ng tigil-pasada na ipatigil sa pamahalaan ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil tatanggalin nito sa kalsada ang mga tradisyunal na jeep at papalitan ng mga moderno.
Magtipun-tipon muna sa University of the Philippines (UP)-Diliman ang mga lalahok sa kilos-protesta at magmamartsa patungong Mendiola.