Sumalang ang rapper-composer na si Aristotle Pollisco o mas kilala bilang “Gloc 9” sa Toni Talks nitong Linggo, Enero 14.

Sa isang bahagi ng panayam, inusisa ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga si Gloc 9 kung ano raw ang pinaka-nagmarkang pangyayari habang tinutupad nito ang pangarap na maging rapper.

“Nag-guest ako sa isang show, may bouncer doon. Sabi niya sa akin, ‘Gloc 9…thank you, ha.’ Sabi ko, 'Bakit?' Sabi niya, 'Thank you, a. Kasi ‘yong anak ko, sirena, e.' Then sabi niya, 'Naiintindihan ko na ngayon, dahil sa kanta mo,' kuwento ni Gloc 9.

"And ‘yon ‘yong mga bagay na more than anything na pwede kong i-request, pwedeng kong hilingin. ‘Yong alam mo na ang kanta mo ay nakatulong sa buhay ng isang tao. In one way or another," dagdag pa niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pero inamin ni Gloc 9 na natakot daw siyang ilabas ang “Sirena” na kabilang sa listahan ng mga sumikat niyang kanta.

“Bago namin i-release ‘yan [Sirena], takot na takot ako. Kasi hindi ko naman sapatos ‘yong sinuot ko, e. Ayaw kong maka-offend,” saad ni Gloc 9.

“So, kung mayroon akong kanta na talaga I’m very proud of kasi noong nakausap ko si Tito Boy [Abunda], sabi niya ‘Nag-appear ako sa video mo hindi lang dahil sa pumayag akong pumunta sa music video mo. Pinag-meetingan ‘yan ng asosasyon namin,” aniya.

Kaya lubos daw ang pasasalamat ni Gloc 9 sa komunidad ng LGBTQIA+ na yumakap sa nasabing kanta.

Matatandaang nasungkit ng “Sirena” ang parangal na “Best Song of the Year” at “Best Music Video of The Year” sa Awit Awards noong 2013.