Sumabog ang bulkan sa hilagang bahagi ng isang fishing village sa bansang Iceland nitong Linggo, Enero 14, ilang oras matapos lumikas ang mga residente sa mga kalapit na lugar, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng Icelandic Meteorological Office (IMO) na nagsimula ang pagsabog ng bulkan dakong 8:00 ng umaga (0800 GMT) nitong Linggo sa hilagang bahagi ng Icelandic fishing village ng Grindavik town.
Nagbuga umano ang bulkan ng “glowing orange lava,” kung saan ang umabot daw ito hanggang 450 metro mula sa mga kabahayan sa hilagang bahagi ng Grindavik.
"A crack has opened up on both sides of the dykes that have begun to be built north of Grindavik," anang Met Office sa ulat ng AFP.
Ayon naman sa public broadcaster RUV, tumindi ang seismic activity ng bulkan makalipas ang ilang mga oras, dahilan kaya’t inilikas na rin ang iba pang natitirang mga residente bandang 3:00 ng madaling araw nitong Lunes, Enero 15.
Hindi naman daw naapektuhan ng naturang pagsabog ang airline flights.
Matatandaang noong Disyembre 18, 2023 nang sumabog naman ang isang bulkan sa timog-kanluran ng Reykjavik sa nasabing bansa.