Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Enero 15, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Southern Leyte, Caraga, Northern Mindanao, at Davao Region bunsod ng shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na pag-ulan.
Malaki naman ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na katamtamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region dulot ng hanging amihan.
Bukod dito, inaasahan din daw na magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Western Visayas, at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa naturang mga lugar.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa shear line at localized thunderstorms.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa ngayon ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: