Naitala ngayong Linggo, Enero 14, ang pinakamalamig na temperatura sa National Capital Region (NCR) para sa taong 2024, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa monitoring ng PAGASA, naranasan ang temperaturang 20.2°C sa Science Garden, Quezon City, dakong 6:30 ng umaga.
Ito raw ang naitalang pinakamababang temperatura mula noong unang araw ng 2024.
Ayon pa sa PAGASA, magpapatuloy sa mga susunod na araw ang mas malamig na temperatura sa NCR at sa Baguio City na nakaranas naman ng 12.8°C kaninang 5:00 ng madaling araw nito ring Linggo.
Ang naturang pagbagsak ng temperatura ay dulot umano ng northeast monsoon o amihan na nagdadala ng malamig na hangin mula sa Siberia.