Inanunsyo ng pangulo ng transport group Manibela na si Mar Valbuena na muli silang magsasagawa ng malawakang tigil-pasada sa darating na Martes, Enero 16, 2024 bilang pagprotesta umano sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sa isang public forum nitong Linggo, Enero 14, sinabi ni Valbuena na mahigit 10,000 mga tsuper at operator mula sa iba’t ibang transport groups ang lalahok sa protesta, kung saan magtitipon-tipon daw sila mula sa University of the Philippines – Diliman hanggang sa Mendiola.
Matatandaang Disyembre 31, 2023 ang inilatag na deadline ng pamahalaan para sa franchise consolidation sa ilalim ng PUVMP.
Binigyan naman ng DOTr ang mga operator ng jeep ng hanggang Enero 31, 2024 para payagang mamasada ang mga hindi nakapag-consolidate.
Pagkatapos nito, sa Pebrero 1, 2024, ituturing na umanong “colorum” ang mga PUV na hindi makakapag-comply sa nasabing franchise consolidation.
Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari daw umabot sa mahigit ₱2 milyon.