Mariing kinondena ni dating Senador Leila de Lima ang pag-ere ng "EDSA-pwera" charter change TV advertisement na tinawag niyang “basura.”

“That 'EDSA-pwera' charter change ad is trash, a demonization of EDSA People Power & a subtle continued attempt at historical revisionism,” pagbibigay-diin ni De Lima sa isang pahayag nitong Huwebes, Enero 11.

“This is once again an attempt to muddle facts with relentless lies and false content just to pursue their selfish interests and political agenda,” dagdag pa niya.

Iginiit din ni De Lima na lalo lamang daw sinisira ng patalastas ang diwa ng EDSA People Power Revolution.

'Edsa-pwera tayo!' TV ad kontra 1987 Constitution, usap-usapan

“Malinaw ang pakay: Lalo pang lasunin ang diwa ng EDSA habang isinusulong ang charter change.”

“Paano tayo makakaasa sa mabuting adhikain ng itinutulak nilang charter change kung nakabatay sa paninira, panlilinlang at kasinungalingan ang kanilang argumento? Kontitusyon nga ba ang dapat sisihin sa mga problema ng bansa o ang nananatili pa ring katiwalian at pagkaganid sa kapangyarihan?” pagkuwestiyon ng dating senador.

Ayon pa kay De Lima, palusot lamang daw ang mga pangako ng naturang TV ad, at hindi naman umano ang Konstitusyon ang may kasalanan kung bakit mabagal ang pag-unlad ng sektor ng Agrikultura at Edukasyon sa bansa.

“Hindi Konstitusyon ang may kasalanan kung bakit mabagal ang pag-unlad ng sektor ng Agrikultura at Edukasyon (na kung maaalala ng lahat ay siyang ‘tinutukan’ ng dalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan). Ang dapat unahin: Mas matatag na imprastruktura, tapat na mga pinuno at mapagkakatiwalaang mga institusyon,” giit ni De Lima.

“Alam ng bawat Pilipinong mulat at makatotohanan kung sino ang tunay na naetsapuwera matapos ang EDSA Revolution: Ang diktador at ang kanyang pamahalaang tadtad ng katiwalian at pang-aabuso.

“Binuo ang 1987 Constitution para pigilan ang anumang muling pagtatangkang umabuso at manatili sa poder. Dapat pagdudahan ang nasa likod ng basurang patalastas na ito at ang mga sabik na sabik at nagmamadaling baguhin ang Saligang Batas,” saad pa niya.

Matatandaang noong Martes ng gabi, Enero 9, nang ipalabas ang TV advertisement sa halos lahat ng major TV networks, sa kalagitnaan daw ng Traslacion o Pista ng Poong Nazareno coverage.

Binabanggit ng naturang advertisement ang “pagkabigo” raw ng 1987 Constitution na mapaunlad ang pamumuhay ng mga Pilipino. “Edsa-pwera” naman ang ginamit na paglalarawan dito.

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/01/11/lagman-kinondena-pag-ere-ng-edsa-pwera-advertisement/