Magandang balita dahil aarangkada nang muli ang 'Kalinga sa Maynila.'
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang service-oriented fora na ginagawa sa mga barangay para magkaloob ng pangunahing serbisyo, ay magbabalik nang muli ngayong Biyernes, Enero 12.
Matatandaang pansamantalang kinansela ang Kalinga sa Maynila dahil sa holiday season.
Pinakilos kasi ng lokal na pamahalaan ang halos lahat ng city government units para sa pamamahagi ng Christmas food boxes sa may 695,000 pamilya sa kabisera ng bansa, regalo sa 180,000 senior citizens at payouts para sa solo parents, senior citizens, persons with disability, Grade 12 students at college students mula sa dalawang city-run schools na kinabibilangan ng Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Ani Lacuna, sa pagbabalik muli ng 'Kalinga sa Maynila,' ang mga barangay na personal na pagsisilbihan ay ang barangays 696, 697, 698, 699, 702 at 703 sa Malate.
Idinagdag pa ng lady mayor na ang mga serbisyong karaniwang inihahatid sa mga residente ng libre sa mismong venue ng fora ay kinabibilangan ng medical consultation, basic medicines, deworming, rabies vaccination, civil registry, tricycle/parking registration, PWD/solo parent/senior citizen ID, clearing/flushing operations, water/electricity/building permit inquiries, notary services, police clearance, at job vacancies.
Anang alkalde, ang unang 'Kalinga' para sa taong ito ay gagawin sa panulukan ng Vasquez at Nakpil Streets sa Malate, ganap na alas-8:00 ng umaga.
Ang mga tanggapan naman ng Manila City Hall na lalahok sa fora ay ang Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Public Services-Manila, Department of Engineering and Public Works, Manila, Manila Police District, Manila Barangay Bureau, Manila Civil Registry Office, City Legal Office, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, Public Employment Service Office - City of Manila, Manila Office of Senior Citizens' Affairs, Manila Veterinary Inspection Board at ang City Treasurer’s Office.
Nabatid pa kay Lacuna na ang lahat ng inquiries at requests para sa assistance ay i-entertain sa panahon ng forum tulad din ng karaniwang ginagawa sa iba't-ibang barangays sa lungsod.
Layunin ng 'Kalinga sa Maynila" na ilapit sa bawat pamayanan ang pangunahing serbisyong ipinagkakaloob ng libre ng city government of Manila.
Sa ganitong paraan ay hindi na kailangang pumunta ng residente sa City Hall dahil dito ay nakatipid sila ng oras at pamasahe.