Naglabas ng pahayag ang Akbayan Party tungkol sa “EDSA-pwera” TV advertisement na lumabas umano sa sa halos lahat ng major TV networks noong Martes ng gabi, Enero 9, sa kalagitnaan daw ng Traslacion o Pista ng Poong Nazareno coverage.
“Hindi lamang charter change ang natatangi at nag-iisang paraan para magarantiya ang mabuting pamamahala. Hindi ito otomatikong magreresulta ng mas epektibo o kapina-paniwalang pamahalaan,” ayon sa Akbayan nitong Huwebes, Enero 11.
“Para lang itong isang law firm na naglalabas ng mga istupidong TV ads — maaari itong pag-usapan at maging sanhi ng kontrobersiya, ngunit hindi ibig sabihin sila ay may angking talino at kumpiyansa ng publiko,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ng grupo na maliwanag naman daw ang gusto ng mamamayan para sa pamahalaan ngunit hindi raw kailangan ng charter change para sa kanilang kagustuhan.
“Maliwanag ang gusto ng mamamayan sa kanilang pamahalaan: patas na pagpapatupad ng lahat ng umiiral na batas, pababain ang inflation, sugpuin ang katiwalian, mag-appoint ng mga mahuhusay na public officials — lalo na ang isang may kakayahang education secretary — buwagin ang mga political dynasties, at ikulong ang lahat ng mga extrajudicial killers at mandarambong, simula sa mga Duterte.
“Hindi kailangan ng cha-cha para sa mga mahahalagang hakbang na ito.”
Ang nabanggit na patalastas ay tungkol umano sa “pagkabigo” ng 1987 Constitution na mapa-asenso ang pamumuhay ng mga Pilipino sa sektor ng edukasyon, agrikultura, at ekonomiya. “Edsa-pwera” ang ginamit na paglalarawan dito.
Ang 1987 Constitution ay nabuo sa ilalim ng administrasyon ng yumaong dating Pangulong Corazon ‘Cory” Aquino.
Maki-Balita: ‘Edsa-pwera tayo!’ TV ad kontra 1987 Constitution, usap-usapan