Inilarawan ni Manila Mayor Honey Lacuna bilang malaking tagumpay ang pagdaraos ng 15-oras na Traslacion 2024, na siyang highlight ng selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno nitong Enero 9.

Ayon kay Lacuna, labis siyang nasisiyahan dahil ang kabuuan ng pagdiriwang ay matagumpay, lalo na sa Traslacion o ang prusisyon upang ibalik ang imahe ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinasalamatan din naman ni Lacuna ang lahat ng tumulong upang maging matagumpay ang Traslacion, lalong-lalo na ang mga concerned government offices mapa-national man o local, ang Quiapo Church authorities at maging ang mga deboto mismo, na halos lahat ay naging maayos ang kilos.

Pinuri at pinasalamatan niya rin ang mga volunteers na tumulong sa pagbibigay ng tulong medikal sa mga nasugatan sa prusisyon.

Ayon sa alkalde, kapuna-puna na naging mabilis ang Traslacion sa kabila na ito ay tatlong taon na itinigil dahil sa pandemya at dinaluhan pa ng milyun-milyong deboto.

"Nakakalungkot lamang po na ang karamihan sa nasugatan ay yaong mga nagpumilit pa ring umakyat ng andas sa kabila ng paulit-ulit na pagbabawal ng Simbahan," sabi ng alkalde.

Umaasa naman si Lacuna na sa susunod na 'Traslacion,' ang lahat ng deboto ay makikinig at susunod na sa mga payo ng simbahan para na rin sa kanilang kaligtasan.