Trending topic ang "1987 Constitution" sa X nitong Miyerkules, Enero 10, dahil sa ipinalabas na TV advertisement tungkol dito sa halos lahat ng major TV networks nitong Martes ng gabi, Enero 9, sa kalagitnaan daw ng Traslacion o Pista ng Poong Nazareno coverage.

Photo courtesy: Screenshot from X via Richard de Leon of Balita

Ang nabanggit na patalastas ay tungkol umano sa "pagkabigo" ng 1987 Constitution na mapa-asenso ang pamumuhay ng mga Pilipino sa sektor ng edukasyon, agrikultura, at ekonomiya. "Edsa-pwera" ang ginamit na paglalarawan dito.

Ibinahagi ni Esports host at journalist "Paolo 'BarovoSix' Barcelon" sa X ang clip nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Screengrab of a TV ad that aired on GMA, TV5 and other networks during the Traslacion 2024 newscasts, saying that the 1987 Constitution should be replaced. Video grabbed by fellow media enthusiast, Edjean Apilada," aniya sa kaniyang X post.

Sa TV ad naman, maririnig ang ganito:

"Pangako nila, pagsulong. Pero sa pagbuo ng 1987 Constitution, na-Edsa-pwera tayo. Sa 1987 Constitution, natigil ang asenso natin."

"Magandang edukasyon daw para sa lahat. Pero pangako, nanigas. Ang pagpasok ng edukasyong de-kalidad, Edsa-pwera."

"Masagang agrikultura daw para sa lahat. Ngunit pangako, napako! Ang pinayaman ng konstitusyon, mamamakyaw at negosyante. Ang magsasaka, Edsa-pwera!"

"Malusog na ekonomiya raw para sa lahat! Pero pangako, nahinto. Monopolya ang naghari. Land ownership ng foreign investors, Edsa-pwera."

Sa bandang dulo ay tila hinimok ng tagapagsalita na panahon na raw upang "gumalaw" o kumilos, na tinatawag na "charter change" o pagbabago sa saligang-batas.

"Panahon na para gumalaw. Panahon na para ayusin, itama ang hindi patas na 1987 Constitution. Gawing saligang patas ang saligang batas."

Ang nakalagay lamang sa credits sa dulo ng 1-minute TV ad ay "This is a paid advertisement."

Hindi naman tinukoy kung sino ang nagpagawa, tao, o grupong nasa likod nito.

Kamakailan lamang, bali-balita ang umano'y sinasabing pagkilos ng ilang grupo para magpapirma sa mga tao, na isulong ang Cha-Cha sa pamamagitan ng "People's Initiative."

May bayad daw na ₱100 ang bawat pirma rito, ayon sa pagsisiwalat ng ilang mga miyembro ng oposisyon, gaya nina lawmakers Edcel Lagman at Raoul Manuel.

Ang 1987 Constitution ay nabuo sa ilalim ng administrasyon ng yumaong dating Pangulong Corazon 'Cory" Aquino.