Iniulat ng Philippine Red Cross (PRC) nitong Martes na daan-daang deboto ang napagkalooban nila ng tulong medikal sa pagdaraos ng Traslacion 2024.

Sa datos ng PRC, nabatid na bago magtanghali nitong Enero 9, 2024 ay nasa 382 pasyente ang naisugod sa kanilang mga itinayong medical stations.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa naturang bilang, 135 ang minor cases, na kinabibilangan ng mga dumanas ng pagkahilo at limang major cases na dumanas ng head trauma at hinimatay.

Nasa 16 naman ang isinugod sa emergency field hospital ng PRC habang lima ang kinailangang dalhin sa Philippine General Hospital (PGH) matapos na makaranas ng pananakit ng dibdib, sprain, pamamanhid, at panghihina ng katawan.

Kabilang din sa mga natulungan ay isang buntis na nakaranas ng pananakit ng tiyan.

Ayon sa PRC, nasa 319 personnel ang kanilang idineploy sa kanilang mga medical stations para sa Traslacion ngayong taon.

Una nang isinailalim ng Department of Health (DOH) sa code white alert ang lahat ng kanilang pagamutan simula pa noong Enero 5 para sa Traslacion 2024.