Nilinaw ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes na hindi humihingi ang Manila City Government mula sa Sri Lankan government ng bagong elepante, upang palitan ang pumanaw na elepante ng Manila Zoo na si Mali.
Ayon kay Lacuna, nagpadala lamang sila ng liham sa Sri Lankan government upang ipaalam na si Mali ay pumanaw na.
Binigyang-diin pa ni Lacuna na wala silang anumang binanggit sa liham na sila ay humihingi ng panibagong elepante na magiging kapalit ni Mali.
Hanggang ngayon naman aniya ay wala pang tugon ang Sri Lanka sa naturang liham ng city government.
Gayunman, sinabi ni Lacuna na natatandaan niyang noong panahon ng panunungkulan ni dating Manila Mayor Isko Moreno, isang Sri Lankan ambassador ang nagsabi na handa silang magbigay o mag-donate ng panibagong elepante sa lungsod ng Maynila, sakaling mayroong hindi magandang mangyari kay Mali.
Dagdag pa ng alkalde, kinikilala niya ang iba’t ibang opiniyon ng mga tao hinggil sa pagkakaroon ng panibagong elepante sa Manila Zoo ngunit labis aniya nilang ipagpapasalamat kung pagtitiwalaan silang muli ng Sri Lankan government na mag-alaga ng isa pang elepante sa Manila Zoo.
Matatandaang si Mali, na siyang tanging elepante sa Pilipinas at dating makikita sa Manila Zoo, ay binawian na ng buhay sa edad na 50-taon, noong Nobyembre 28, 2023 dahil sa katandaan at mga karamdaman.
Si Mali ay tatlong taong gulang pa lamang nang ipadala ng Sri Lankan government sa Pilipinas noong 1970s matapos na matagpuang ulila na sa kaparangan.