Ibinahagi ni Enchong Dee kung gaano kahalaga para sa kaniya ang maging bahagi ng historical film na “GomBurZa.”

Sa kaniyang Instagram post, inihayag ni Enchong na very thankful daw siya sa oportunidad na makatrabaho ang mga respetado at masisipag na miyembro ng team “GomBurZa, mula pre-production hanggang sa promotion ng pelikula.

“The entire journey reminded me how much I love my job as an actor. I know that this film will go beyond my life and for that, I’m eternally grateful🙏🏽,” saad ni Enchong, na gumanap sa pelikula bilang Padre Jacinto Zamora, ang isa tatlong Pilipinong paring martir.

Pag-amin din ng aktor, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa mainit na pagtanggap ng publiko sa kanilang pelikula.

Tatay hinostage sariling mag-ina dahil hindi nabigyan ng pambili ng anak?

“For days now, I’m in so much awe! Still trying to comprehend yung pagmamahal ninyo sa @gomburzafilm …Hindi pa sya nag-register sa utak ko✨,” aniya.

“Ang sarap sa pakiramdam to see people rallying behind a film because of the effect it gave them after watching. So to the people who lined up, organized a block screening, and shared our film to their loved ones… Taos pusong pasasalamat ❤️‍🔥.”

“On our 3rd blockbuster week, Alam ko malayo pa ang lalakbayin ng @gomburzafilm dahil kuwento nating lahat ito. Basta’t andyan kayo BUHAY ang Pelikulang Pilipino! Mabuhay ang mga Filipino 🇵🇭✨,” dagdag pa ng aktor.

Ang pelikulang “GomBurZa” ay tungkol sa kuwento nina Padre Jose Burgos, Padre Mariano Gomes, at Padre Zamora, ang tatlong paring Pilipinong martir na ginarote ng mga Espanyol matapos pagbintangan ng subversion noong 1872. Ang kanilang pagkamatay ay naging dahilan ng pagsiklab ng tapang sa puso ng mga Pilipino upang magrebolusyon laban sa mga mananakop.

Kasama ang naturang pelikula sa sampung entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon, kung saan ito ang nagsilbing “most awarded film” sa ginanap na Gabi ng Parangal kamakailan.

Naiuwi ng pelikula ang “2nd Best Picture,” “Best Cinematography,” “Best Production Design,” “Best Sound Design,” at “Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award.”

Naging “Best Director” din ang direktor ng “GomBurZa” na si Pepe Diokno.

Bukod dito, si Cedrick Juan ang nakakuha ng “Best Actor” award dahil sa kaniyang naging pagganap bilang Padre Burgos.

MAKI-BALITA: Cedrick Juan, inalay ‘Best Actor award’ sa mga Pinoy na nakararanas ng injustice

Naging nominees naman para sa titulong “best supporting actor” sina Enchong, para sa kaniyang pagganap bilang Padre Zamora, at Dante Rivero, para naman sa kaniyang pagganap bilang Padre Gomez.

Kaugnay nito, matatandaang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Linggo, Enero 7, na pinalawig ng MMFF ang theatrical run ng 10 entries nito hanggang sa Enero 14, 2024.

MAKI-BALITA: MMFF, pinalawig theatrical run ng 10 entries nito

Ayon pa sa MMDA, mula noong Linggo ay umabot na rin daw sa ₱1 bilyon ang kabuuang kita ng sampung pelikula sa nasabing film festival.

MAKI-BALITA: Total gross ng MMFF 2023, umakyat na sa ₱1 billion