Tone-toneladang mga isdang tamban ang dumagsa sa dalampasigan ng isang beach sa Brgy. Tinoto, Maasim, Sarangani.

Makikita sa Facebook post ng uploader na si Mark Achieval Ventic Tagum ang kumpol ng mga isdang nagdagsaan sa dalampasigan ng JML Beach House sa Brgy. Tinoto nitong Linggo ng madaling araw, Enero 7.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Tagum, 33, sa Brgy. Tinoto na siya lumaki dahil pagmamay-ari raw ang beach house ng kaniyang father-in-law. Sa tinagal-tagal naman niyang residente rito ay unang beses lamang daw nilang naranasan ang ganoong pangyayari sa kanilang lugar.

“Nagulat po ako nong pagkakita ko sa isda. First time ko talaga makakita ng ganoon karaming isda sa tagal ko pong naninirahan dito sa Sarangani,” ani Tagum.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

“Bigla lang pong dumagsa ‘yung mga isda at habang tumatagal, parami po nang parami,” kuwento pa niya.

Bagama’t wala raw silang ideya kung paano ito nangyari, itinuring daw nila itong biyaya para sa mga residente sa kanilang lugar.

Pinamigay naman daw nina Tagum ang kanilang nakuhang tone-toneladang mga isda sa ibang mga residente sa lugar at sa kanilang mga guest.

“Binilad nila ‘yung iba, ‘yung iba naman binenta nila sa fish port para magkapera sila,” saad ni Tagum.