Patuloy pa ring nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang northeast monsoon o amihan, shear line, at eastelies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Enero 8.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Quezon, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur dahil sa shear line o ang pagsasalpukan umano ng mainit at malamig na hangin, at dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.
Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa ngayon ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: