Inanyayahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang bawat Pilipino na makiisa sa mga gawain ng “National Community Development Day”. 

Sa Facebook live ni Marcos nitong Biyernes, Enero 5, sinabi niyang hindi na bago ang nasabing pagdiriwang na ito sa bansa.

“Three presidents before me have issued a proclamation encouraging our people to mark it in ways that best underscore the timeless ideals that community development desires to achieve,” pahayag ng pangulo.

“Ang mungkahi na pasiglahin muli ang pagdiriwang ng Community Development Day ay nanggaling na rin sa pinuno ng ating mga barangay,” saad niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Simulan daw sa bawat barangay ang pagbabagong hinahangad ng bawat isa para sa bansa. Maging lunan sana raw ito ng mga makabuluhang ideya para maipakita kung ano ang kayang gawin ng bawat Pilipino. 

Naniniwala umano siya na hindi karapat-dapat sa mga mamamayan ng bansa ang isang lipunang madumi at makalat.

Kaya aniya: “Kumilos tayo upang gawing maaliwalas at malinis ang ating kapaligiran. Dapat walang lugar ni puwang ang dumi, dugyot, at dilim sa ating pamayanan.”

''Sa usaping ito, iniutos ko ang mga kinauukulang ahensiya na isama ang kalinisan sa mga performance guarantees ng mga local na pamahalaan, ang paggawad ng mas malaking premyo at insentibo sa mga LGUs na kahanga-hanga ang mga nagawa sa kalinisan, ang pambansang paligsahan para sa Gulayan sa Barangay, ang paggamit ng Motor Vehicle User's Charge para sa pagpapailaw ng mga pambansang kalsada at lagusan, ang pagpapaigting ng kampanya laban sa single-use plastic, at ang pagrerenda  sa tila mala-riot na paggamit ng tarpaulin,'' dagdag pa niya.

Sa huli, ipinaalala ni Marcos na huwag lang sanang limitahan sa isang araw ang “Community Development Day”.