Naging laman ng balita ang dating child actor na si Jiro Manio hindi dahil sa bagong proyekto, kundi dahil sa pagsadya niya sa vlogger-negosyante na si Boss Toyo ng "Pinoy Pawnstars" para ipagbenta ang kaniyang natanggap na tropeo sa prestihiyosong Gawad Urian.

Nanalo ng "Best Actor" si Jiro sa kaniyang murang edad dahil sa pelikulang "Magnifico" noong 2004.

Nang tanungin siya ni Boss Toyo kung magkano niya ibinebenta ang tropeo, sinabi niyang ₱500k daw.

Ngunit tila napaisip naman si Boss Toyo. Kung siya lang daw ang masusunod, ibibigay niya ang presyuhan ni Jiro subalit tila sinasabi ni Boss Toyo na pagdating sa negosyo, kailangan daw niyang maging praktikal.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

₱50k ang unang alok ni Boss Toyo, subalit tila nadehado rito si Jiro kaya itinaas niya ng ₱100k.

Humirit pa si Boss Toyo ng ₱60k hanggang ₱70k, hanggang sa nagsara sila sa deal na ₱75k dahil sinabi ni Boss Toyo na last price na raw ito.

Sa panayam ng TV Patrol kay Jiro, bukod sa gusto niyang makita sa museo ng mga tao ang kaniyang tropeo, ang totoong dahilan daw ng pagbebenta niya sa tropeo ay dahil sa hirap ng buhay.

"Naunawaan din naman ako ng mga tao, siguro, kung bakit ko pinatago kay Boss Toyo 'yong trophy, siguro dala na rin ng hirap ng buhay. Siguro maiintindihan din ako ng mga tao na kailangan ko rin, may mga pangangailangan din ako," anang Jiro.

Sa ngayon daw ay patuloy na nagtatrabaho si Jiro bilang volunteer sa isang rehabilitation center sa Bataan, upang ibahagi sa mga kagaya niyang nalulong sa masamang bisyo, ang kaniyang mga karanasan.

Marami naman sa mga netizen ang nanawagan kay "FPJ's Batang Quiapo" star/director Coco Martin na baka puwede niyang mapaabutan ng tulong si Jiro, sa pamamagitan ng pagsali rito sa serye.

MAKI-BALITA: Dating child star Jiro Manio, ibinenta ang tropeo ng Urian kay Boss Toyo

MAKI-BALITA: Coco Martin kinakalampag ng netizens dahil kay Jiro Manio