Isang search dog ang nakahanap at nakasagip sa isang matandang babae na na-trap sa isang bahay matapos ang nangyaring lindol sa Japan noong Lunes, Enero 1, 2024.

Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ni Defence Minister Minoru Kihara nitong Huwebes, Enero 4, na ang nasabing search dog ay may pangalang “Jennifer.”

Si Jennifer daw ay isa sa mga “specially trained canine” na dineploy sa mga rehiyon sa Japan na labis na nasalanta ng magnitude 7.6 na lindol noong Bagong Taon.

"The Self-Defence Forces had rescued 122 people by yesterday, including an elderly woman in a house in Wajima City, who was found and rescued by a search dog (Jennifer)," ani Kihara sa X na inulat ng AFP.

Internasyonal

Mga nasawi sa lindol sa Japan, umakyat na sa 92; 242 naman ang nawawala

"Today, which is a crucial day, the number of personnel will be increased to approximately 4,600," dagdag pa niya.

Matatandaang tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa rehiyon ng Noto sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon (0710 GMT) noong Lunes.

Base naman sa mga lokal na awtoridad nitong Biyernes, Enero 5, umakyat na sa 92 ang bilang ng mga naitalang nasawi habang 242 indibidwal ang nawawala.