Mayroon umanong sapat na public schools sa bansa upang malipatan ng may 17,700 na incoming Grade 12 students na madi-displaced dahil sa pagtitigil na ng senior high school (SHS) program sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at mga Local Universities and Colleges (SUCs).
Ito ang tiniyak ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Francis Bringas nitong Huwebes kasunod na rin nang nakatakdang pagtitigil na ng SHS program sa mga SUCs at LUCs sa susunod na school year o taong panuruan.
Ayon kay Bringas, nakipag-ugnayan na sila sa lahat ng regional offices at mga Schools Division Offices (SDOs) sa bansa kung saan mayroong enrollees sa mga local universities.
Aniya, siniguro naman ng mga ito sa kanila na maaaring i-accommodate ng mga public schools ang mga naturang displaced SHS students.
Sa kanilang pagtaya aniya, aabutin ng average na 250 learners ang maaaring i-accommodate ng mga public schools kada division offices.
“Yes, kakayanin naman ‘no. Nakipag-ugnayan na tayo sa lahat ng mga regional offices and SDOs (Schools Division Office) kung saan meron tayong enrollees sa mga local universities at nakikita natin nga sa Grade 11 natin, out of the 17,700, nasa average na 250 learners per division ang nakikita nating ia-accommodate sa mga division offices na public schools,” ani Bringas, sa isang panayam sa telebisyon.
Nauna rito, noong Disyembre 18 ay naglabas ng memorandum ang Commission on Higher Education (CHED) na ititigil na ang SHS program sa mga SUCs at LUCs bunsod nang kawalan na ng legal na basehan para dito.
Ayon pa kay CHED chairman Prospero de Vera III, naglabas na rin ng notice ang DepEd na wala nang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GATSPE) beneficiaries mula sa SUCs at LUCs, maliban na lamang sa mga papasok sa Grade 12.
Sinabi na rin naman ni DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa na ang mga SHS students na maaapektuhan nang pagtitigil ng SHS program sa mga SUCs at LUCs ay mayroong dalawang opsiyon.
Kabilang dito ang pag-e-enroll sa mga public schools o ‘di kaya ay pag-e-enroll sa pribadong paaralan at pag-a-avail ng voucher program.