Isa na namang consultancy firm sa Maynila ang ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) dahil umano sa ilegal na pangangalap ng mga Pinoy na nagnanais magtrabaho sa Germany.

Ipinaliwanag ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, isinara nila ang Gisgerman Document Facilitation Services (GIS Manila) na nasa 2nd Floor, Alcantara Bldg.,704 Pablo Ocampo Sr. St., Malate, Maynila, kamakailan.

National

‘Julian,’ itinaas na sa ‘typhoon’ category

Kasama aniya nila sa operasyon ang mga tauhan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at Manila City Police.

Nilinaw ni Cacdac, nangangako umano ang GIS Manila ng mga trabaho bilang hotel worker, caregiver, at nurse sa Germany at naniningil ng aabot sa ₱102,000 para sa sunud-sunod na language training.

Sa imbestigasyon, kapag natapos na sa training ang mga aplikante, inire-refer sila ng GIS Manila sa kanilang German employer kung saan sisingilin pa sila ng dagdag na ₱99,000 upang mailakad ang sinasabing overseas employment ng mga ito.

“We will never tolerate any individuals or companies preying on the hope of Filipinos wanting to land a decent job abroad. Again, I am reiterating this warning to our Kababayans to always check the DMW website (www.dmw gov.ph) for the list of licensed agencies and approved job orders to avoid illegal recruitment," anang opisyal.

Dahil dito, inabisuhan ng DMW ang mga overseas jobseeker na bumisita muna sa kanilang website upang hindi mabiktima ng mga pekeng recruitment agency.

Nahaharap na sa kasong illegal recruitment ang mga may-ari ng kumpanya, bukod pa ang multang mula ₱2 milyon hanggang ₱5 milyon.