Hindi bababa sa 24 indibidwal ang nasugatan matapos umanong magbanggaan ang dalawang subway trains sa New York City nitong Huwebes, Enero 4.
Sa ulat ng Agence France-Presse, nangyari ang nasabing banggaan ng dalawang tren sa Upper West Side malapit sa 96th Street station sa Manhattan.
"At approximately 1500 hours (2000 GMT), our units were notified of two trains colliding," saad ng fire department commander na si Mike Meyers sa ulat ng AFP.
Nang mangyari ang insidente ay agad umanong rumisponde ang mga pulis at bumbero upang tulungang lumikas ang daan-daang mga apektadong pasahero.
Ayon sa emergency medical services commander na si Ian Swords, hindi naman malubha ang pagkasugat na natamo ng naturang 24 indibidwal.
Wala rin umanong naitalang nasawi kaugnay ng nasabing banggaan ng dalawang tren.
Samantala, iniimbestigahan na raw ng mga kinauukulan ang pinagmulan ng nangyaring insidente.