Isa sa mga tradisyon ng mga Pilipino sa tuwing sasapit ang pagsalubong sa Bagong Taon ay paghahanda ng 12 piraso ng bilog na prutas bilang simbolo ng pera at pagiging pa masagana sa panibagong 365 (366 ngayong 2024) araw o katumbas ng isang panibagong taon.

Kung kakayanin lang namang bumili ng 12 piraso ng magkakaibang klase ng prutas, wala naman sigurong masama at mawawala lalo't puwede naman itong kainin o ipamahagi kung gugustuhin, pagkatapos ng salubong.

Kaya naman sa Gabi, Cordova sa Cebu, isang pamilya ang kinabiliban dahil hindi lamang 12 bilog na prutas ang kanilang inihanda kundi lagpas pa---at halos bumaha na ng prutas sa kanilang hapag-kainan.

Ayon kay Eivan Rave Murcia, nakasanayan na ng kanilang pamilya noong 2015 na maghanda ng sangkatutak na bilog na prutas sa tuwing sasalubungin ang Bagong Taon.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Pagkatapos daw, ipinamamahagi nila ito sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan bilang simbolo ng pasasalamat at pagbabahagi ng kanilang natanggap na biyaya.

Iba-ibang klaseng bilog na prutas ang makikita sa hapag-kainan gaya ng ubas, lansones, bayabas, mangga, mansanas, oranges, rambutan, at marami pang iba.

Napa-wow naman ang mga netizen sa mga nakita nilang prutas sa mesa ng pamilya.

"Sa sunod gawin ko to pra mas healthy... Puro prutas."

"Nakaka-amaze naman! Mukhang masasarap ang prutas."

"Grabeng suwerte na 'yan hehe."

"Good thing na namamahagi sila, mas dadami ang suwerte."