Supplier ng modernong jeepney, sisilipin kung dumaan sa tamang proseso
Nais imbestigahan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel ang mga supplier ng mga modernong jeepney kaugnay sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sinabi ni Pimentel sa isang radio interview na makikipag-ugnayan siya sa Department of Transportation (DOTr) upang malaman ang naging proseso sa pagpili ng mga supplier ng modernong jeep.
Aniya, dapat na tiyaking dumaan sa tamang proseso ang pagpili ng mga supplier dahil ang gobyerno ang magpapatupad ng programa.
Iginiit din ng senador na dapat na isapubliko kung may kaukulang accreditation ang mga supplier upang magkaroon ng transparency at mawala ang pagdududa ng publiko.
Naging kontrobersyal ang naturang programa dahil tatanggalin na nito sa lansangan ang mga tradisyunal na jeepney kapalit ng mga moderno nito.
Matatandaang natapos nitong Disyembre 31, 2023 ang deadline para sa PUV franchise consolidation applications kaya't nangangahulugang hanggang Enero 31, 2024 na lamang ang pamamasada ng mga tradisyunal na jeepney sa mga rutang nakapag-consolidate ng hindi hihigit sa 60 porsyentong unit.
Nauna nang idinahilan ng mga transport group na hindi nila kakayanin at malulugi lamang sila sa presyo ng bawat unit ng modernong jeepney na nagkakahalaga ng mahigit ₱2 milyon.