Umaani ngayon ng mga papuri at magagandang feedback ang tambalan nina Maris Racal at Anthony Jennings sa teleseryeng "Can't Buy Me Love" sa ABS-CBN Primetime Bida na pinangungunahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano o mas sikat sa tambalang "DonBelle."
Pawang magagaling daw kasi ang aktingan ng dalawa bilang "Irene Tiu" (Maris Racal), ang sosyalera at "black sheep" na kapatid ni Caroline Tiu (Belle Mariano) at si "Snoop" (Anthony Jennings) na siyang side kick at kaibigan ni "Bingo" (Donny Pangilinan).
Swaktong-swakto raw ang dalawa kapag nagsama na ang dalawa sa eksena, at bagay na bagay raw sa "rom-com" o romantic comedy themed project.
Kaya naman panawagan ng mga netizen at manonood na humahanga sa kanila ngayon sa ABS-CBN, baka naman puwede raw bigyan ng solo project ang dalawa, o kaya naman ay spin-off kung sakaling matatapos na ang Can't Buy Me Love.
At may mga nagsasabi pang tila "nasasapawan" daw ng dalawa ang DonBelle dahil sila raw ang inaabangan kaysa sa mismong mga bida.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng mga netizen.
"Inaabangan ko ang CBML dahil sa kanilang dalawa sa totoo lang!"
"Nakakatuwa kayong panoorin hahaha."
"Added flavor silang dalawa sa series pero DonBelle pa rin ako!"
"Parang kaya nga nilang dalhin ang show hahaha."
"Grabe talaga ang chemistry ng dalawang ito. Good vibes lang talaga!"
"ABS-CBN, beke nemen puwedeng bigyan sila ng sariling series o movie, bagay silang dalawa!"
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang ABS-CBN tungkol dito.