Naglabas ng ilang mga paalala ang mga opisyal ng Quiapo Church sa mga deboto na inaasahang dadagsa upang dumalo sa Traslacion 2024 para sa Itim na Nazareno, na idaraos sa Enero 9.

Ayon sa Quiapo Church, mahigpit nang ipinagbabawal ang pag-akyat sa andas upang hindi maharangan ang imahe at masulyapan ito ng mga debotong nag-aabang dito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Paalala pa ng mga opisyal ng simbahan, huwag magtulakan sa pagdaraos ng prusisyon upang maiwasan ang anumang pagkasugat o aksidente.

Hindi na rin anila dapat pang magdala ang mga deboto ng maraming gamit o malalaking bag, gayundin ng mga mahahalagang gamit, gaya ng mga alahas at maraming pera.

Ipinagbabawal din ang pagdadala ng backpacks at bote ng tubig, maliban na lamang kung nasa transparent itong lalagyan; pagsusuot ng bull caps at pagdadala ng mga payong.

Mas makabubuti rin umano kung transparent bags na lamang ang dalhin para mas maging madali ang gagawing pag-i-inspeksiyon dito ng mga awtoridad.

Samantala, mahigpit din ang paalala ng mga taga-simbahan na ang mga bata at mga debotong may karamdaman ay huwag nang sumama pa sa prusisyon, o ‘di kaya ay mag-abang na lamang sa gilid ng mga kalsada para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Dapat din anilang tiyakin ng mga deboto na busog sila upang magkaroon ng lakas sa pagsabak sa prusisyon.

Pahihintulutan pa rin naman umano ng Quiapo Church ang paghahagis ng mga deboto ng mga panyo o tuwalya upang maipahid ang mga ito sa imahe ng Itim na Nazareno.

Papayagan pa rin ang paghihila sa pingga at sa lubid ng andas ngunit dapat na gawin ito ng maayos at may pag-iingat.

Una nang sinabi ng mga opisyal ng simbahan ng Quiapo na inaasahan na nilang aabot sa milyun-milyong deboto ang dadalo sa Traslacion 2024, na tatlong taong natigil dahil na rin sa banta ng COVID-19 pandemic.

Tiniyak naman ng Philippine National Police (PNP) na wala silang namo-monitor na anumang seryosong banta ng panggugulo o karahasan sa naturang relihiyosong aktibidad.