Umabot na sa 78 ang mga indibidwal na naitalang nasawi dahil sa nangyaring malakas na lindol sa Japan noong Lunes, Enero 1, ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Huwebes, Enero 4.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng mga awtoridad na bukod sa mga nasawi ay mahigit 330 indibidwal ang nasugatan habang mahigit 50 indibidwal ang patuloy na nawawala dulot ng magnitude 7.6 na lindol.
Matatandaang tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa rehiyon ng Noto sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon (0710 GMT) noong Lunes.
Naglabas ang Meteorological Agency ng Japan ng tsunami warning sa western coastal regions.
Inihayag naman ng Japan Meteorological Office noong Martes, Enero 2, na umabot na rin umano sa 155 ang bilang ng mga pagyanig sa lugar, kasama na ang nasabing malakas na lindol.
Sa kasalukuyan ay libu-libong mga sundalo, bumbero at mga opisyal ng pulisya mula sa buong Japan ang kumikilos upang mag-rescue at rumesponde sa mga gumuhong mga gusali.
Humigit-kumulang 29,000 kabahayan naman umano ang wala pa ring kuryente sa Ishikawa prefecture, at mahigit 110,000 bahay sa buong Ishikawa at dalawang kalapit na rehiyon ang walang tubig.
Kaugnay na Balita:
https://balita.net.ph/2024/01/02/mga-pinoy-ligtas-mula-sa-malakas-na-lindol-sa-japan-ph-envoy/