Nagsisimula na umanong tumanggap ang Manila City Government ng business permit renewal applications para sa taong 2024.
Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang lahat ng business owners sa Maynila na gamitin ang GO!Manila App para sa kanilang business renewals at pagbabayad ng business taxes at iba pang regulatory fees.
Ayon kay Lacuna, para sa mga hindi pa pamilyar sa paggamit ng nasabing app at para maging kumbinyente ang mga ito, ay naglagay sila ng mga help desks sa ilang shopping malls na malapit sa kanila kung saan ang mga aplikante ay maaaring magtungo.
Ang mga nasabing help desks aniya ay tutulong din sa mga business owners, sa pamamagitan nang pagbibigay sa kanila ng GO! Manila App tutorial.
Nabatid na nangangailangan ng approval of request para sa GO Manila access kabilang na ang transfer of ownership at business records na naka-hold o may inspection.
Ang bureau of permits naman na pinamumunuan ni Levi Facundo, ay nagbibigay din ng advisory, quick guide sa mga serbisyo na ipinagkakaloob ng local government sa mga E-BOSS help desk locations.
Kabilang dito ang E-BOSS LOUNGE sa ground floor ng Manila City Hall na bukas mula 8:00AM hanggang 8:00PM; SM City Manila, 4/F beside Gerry's Grill; Robinsons Manila, 3/F Food Court area; Lucky Chinatown, Fronting the LCTM Chapel; Tutuban Shopping Mall, 2/F Primeblock near Cellphone City; 168 Shopping Mall, 3/F Food Court area; Isetann, G/F Government Services area.
Ang nasabing mall services ay available mula 10:00AM hanggang 8:00PM.
"You may also reach us via email at [email protected], via landline at 8527-0871 or via E-BOSS Viber Group (scan the QR code provided for in the bureau's FB account).," sabi ni Facundo.
Aniya pa, ang deadline para sa renewals ay sa Enero 20.
Ang mga aplikante ay makakapag-avail ng 10 porsiyentong diskwento, kung sila ay magbabayad bago ang itinakdang deadline.
Dagdag pa niya, ang nasabing deadline ay mananatili maliban na lamang kung ito ay palalawigin ng alkalde.
Sakali naman umanong lumampas sa deadline ang pagbabayad ay papatawan na sila ng kaukulang penalities.