Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules na umaabot sa ₱20.8 milyon ang halaga ng multa na nakolekta nila mula sa mga kolorum na behikulo, sa isinagawang anti-colorum crackdown noong Disyembre 2023 lamang.
Ayon sa DOTr, ang malaking multa na ₱200,000 kada van at ₱1 milyon kada bus na ipinatupad laban sa mga offenders ay nagpapatunay sa hindi matitinag na commitment ng pamahalaan na iprayoridad ang kaligtasan sa lansangan para sa lahat ng commuters.
Dagdag pa nito, inaasahan na rin nilang mas marami pang ilegal at hindi rehistradong sasakyan ang mae-exposed sa pagpapatuloy ng kanilang pinaigting na kampanya.
Matatandaang una nang kinumpirma ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na nasa 30% ng kita ang nawawala sa mga transport groups dahil sa patuloy na operasyon ng mga kolorum na PUVs.
Dahil dito, nakipagtuwang ang LTO sa Philippine National Police (PNP) upang paigtingin ang kanilang operasyon laban sa mga colorum vehicles.
Pinaigting din ng DOTr, sa pamumuno ni Transportation Secretary Jaime Bautista, ang kanilang anti-colorum campaign, at nagpokus sa mga hindi awtorisado at hindi rehistradong mga public utility vehicles (PUVs) para na rin sa kapakanan ng mga commuters at motorista.