Ipinahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes, Enero 4, na magpapaabot sila ng tulong sa overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Japan na naapektuhan ng nangyaring malakas na lindol noong Lunes, Enero 1, 2024.
Sa isang pahayag ng DMW, inatasan ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac ang Migrant Workers Office sa Osaka, Japan na magkaloob ng mga kinakailangang suporta sa mga naapektuhang OFWs, kabilang na raw ang immediate medical at financial assistance, sa mga naapektuhan ng magnitude 7.6 na tumama sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan.
“We are closely monitoring the situation of OFWs, especially those who are in the Ishikawa and Toyama Prefectures to guarantee their safety. Also, we are ready to provide necessary medical and financial assistance to OFWs onsite,” ani Cacdac.
Base sa datos ng DMW, may 1,194 Pinoy na naninirahan sa dalawang prefecture, kung saan 447 dito ang nasa Ishikawa at 700 sa Toyama. Karamihan daw sa kanila ay nagtatrabaho sa manufacturing, welding at carpentry sector.
Binanggit din ng departamento na sa ngayon ay walang naiulat na mga Pilipinong nasawi dahil sa naturang lindol. Ito ay base umano sa pinakabagong update na natanggap nila mula sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs, Philippine Embassy in Tokyo at Philippine Consulate General Office sa Osaka at Nagoya.
“Meanwhile, all supervising organizations and principals are directed to monitor the safety of their deployed OFWs and report their conditions to MWO-Osaka for necessary assistance and support,” saad ng DMW.
Maaari naman daw makipag-ugnayan ang mga OFW sa Japan at kanilang mga pamilya sa DMW-OWWA Japan Helpline sa Hotline 1348 o +632-1348 (mula sa ibang bansa) para sa anumang update at agarang tulong. Maaari ring tawagan ang DMW Japan Desk sa pamamagitan ng +632-86630445.
Bukod dito, maaari ring makipag-ugnayan ang mga OFW sa DMW-MWO-Osaka Hotline numbers sa: +81-7022756082 at +81-7024474016 at MWO Tokyo sa +81-7036300167.
Kaugnay na Balita: