Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na maaaring lumipat sa mga pampublikong paaralan ang mga estudyante sa senior high school (SHS) na maaapektuhan sa gagawing pagtitigil ng SHS program sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) sa bansa.

Nauna rito, naglabas ng memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) noong Disyembre 18, 2023, na nagsasaad na ititigil na nila ang SHS program sa mga SUCs at LUCs bunsod ng kawalan na ng legal na basehan para pondohan pa ito.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

Ayon naman kay DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa, tiniyak nila sa mga regional directors na kayang i-accommodate ng mga public schools, na nag-aalok ng basic education, ang mga displaced SHS students.

Bukod dito, maaari rin aniyang magpa-enroll ang mga displaced SHS learners sa mga pribadong paaralan sa susunod na school year at mag-avail ng voucher program.

Siniguro rin naman ni Poa na walang estudyante na recipient ng SHS voucher program ang apektado ng naturang direktiba ng CHED.

Wala na rin kasi aniyang mga Grade 11 voucher recipients na naka-enroll sa SUCs at LUCs ngayong School Year 2023-2024.

Dagdag pa niya, ang voucher application system ay hindi na rin tumanggap ng Grade 11 applicants sa mga paaralang tinukoy bilang SUCs at LUCs.

Samantala, ang mga Grade 12 learners naman sa SUCs at LUCs ay binigyan pa rin aniya ng vouchers ng DepEd upang matapos nila ang kanilang senior high school.

Para naman sa mga non-voucher recipients, sinabi ni Poa na base sa kanilang database, mayroong nasa 17,700 na Grade 11 learners ang kasalukuyang naka-enroll sa mga SUCs at LUCs sa buong bansa.

“Nonetheless, based on the reports of our Regional Directors, our public schools will be able to accommodate those that may be displaced. May mga regions rin po na wala nang SHS learners sa mga SUCs and LUCs,” aniya pa.