Pormal nang binuksan ng Manila Electric Company (Meralco) ang competitive bidding para sa 660 megawatts (MW) ng interim power supply, bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas ng demand ng kuryente sa panahon ng tag-init.
Sa isang kalatas nitong Huwebes, inanunsiyo ng electric company na nagsimula na ang competitive selection process (CSP) para sa pagbili ng suplay ng kuryente.
Nauna rito, nag-isyu na ang Department of Energy (DOE) ng Certificate of Conformity on the Terms of Reference (TOR) para sa Interim Power Supply Agreements (IPSAs), na nakakasakop sa 260-MW peaking requirement ng power distributor at 400-MW baseload requirement para sa taong ito.
Tiniyak naman ng Meralco na ang pagsasagawa ng CSP ay alinsunod sa DOE-approved Power Supply Procurement Plan ng Meralco, na nagkokonsidera sa pangangailangan ng karagdagang available capacities upang madagdagan ang suplay sa mga kostumers sa pamamagitan ng IPSAs, na ipatutupad sa sandaling maaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Inaasahang magiging epektibo ang 260-MW sa Hulyo 2024 at ang 400-MW IPSAs sa Pebrero 2025.
Anang Meralco, ang mga power generation companies na interesadong lumahok sa bidding ay kinakailangang magsumite ng Expressions of Interest para sa dalawang IPSAs hanggang sa Enero 15.
Itinakda naman sa Enero 22 ang Pre-Bid Conferences para sa 260-MW peaking requirement at 400-MW base load requirement habang ang deadline para sa pagsusumite ng bid ay itinakda sa Pebrero 26 at 27, 2024.