MAY NANALO NA!
Nakalikha ng kasaysayan sa mundo ng computer games ang isang 13-anyos sa United States matapos siyang kilalanin bilang pinakaunang indibidwal na nakatalo sa “Tetris,” isang larong patuloy na “kinaaadikan” ng marami mula pa noong nakalipas ba tatlong dekada.
Sa ulat ng Agence France-Presse, ang binatilyong si Willis Gibson, isang gamer mula sa Oklahoma at nakilala bilang "blue scuti," ang naging unang indibidwal na umabot sa "kill screen" ng Nintendo version ng Tetris. Nanalo raw siya hanggang sa huling level ng laro na level 157.
"Oh my God!" maririnig na paulit-ulit na sigaw ni Gibson sa isang video na in-upload niya sa YouTube noong Enero 2.
Ayon din sa ulat, sinabi ni Classic Tetris World Championship President Vince Clemente na wala pang kahit na sinong naka-achieve ng nagawa ni Gibson.
"It’s never been done by a human before. It’s basically something that everyone thought was impossible until a couple of years ago,” ani Clemente.
Ang larong Tetris ay “brainchild” ng isang Soviet software engineer na una raw inilabas noong 1984. Ito ay isang simple ngunit nakakahumaling na laro, kung saan dapat paikutin at manipulahin ang mga bumabagsak na bloke na may iba't ibang hugis upang magkasya at lumikha ng mga linya sa loob ng isang kahon.
Kapag ang isa o higit pang linya ay nabuo, ito ay naglalaho at nag-iiwan ng mas maraming espasyo para i-shuffle ang mga susunod na babagsak na bloke.