Ang kasal ay karaniwang ginaganap sa isang simbahan o panambahan, o kaya naman kung outdoor, sa isang garden, beach, o sa alinmang romantikong lugar, o kaya naman ay sa lugar na significant o importante sa buhay ng bride at groom.

Pero sa Alaminos, Pangasinan, kakaiba ang trip ng mag-jowang ikinasal dahil sa sementeryo ang naging venue ng kanilang pag-iisang dibdib.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, Enero 2, nakasuot ng itim na gown ang bride na si Marelinda Caranay at nakaitim na suit at slacks naman ang groom na si Ronald Verzosa.

Bukod sa kanila, nakaitim din ang suot ng kanilang mga abay at panauhin.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa panayam kay Verzosa, itim daw kasi ang paborito niyang kulay at napagkasunduan nila ni misis na gawing kakaiba ang kanilang kasal.

Wala nga namang nakakaisip pang magsagawa ng kasal sa isang sementeryo.

Kinaaliwan din ang pangako ni Verzosa kay Caranay na mamahalin niya ito hanggang sa magdilim ang kaniyang paningin.

Matatandaang may nabalita na ring netizens na nagsagawa naman ng prenuptial photoshoot sa sementeryo naman.