Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na umaabot na sa 557 ang mga naitalang fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala pa ng 114 bagong kaso, mula 6:00AM ng Enero 2, 2024 hanggang 5:59AM ng Enero 3, 2024.
Ayon sa DOH, ang pinakabatang biktima ng paputok sa mga bagong kaso ay isang 10-buwang gulang na sanggol mula sa National Capital Region (NCR), na nagtamo ng sugat sa kanang mata dulot ng isang kwitis na sinindihan sa loob ng kanilang tahanan.
Samantala, ang pinakamatandang nabiktima naman ay isang 77-anyos na lalaki na mula sa Ilocos Region na nagtamo ng mga paso mula sa whistle bomb na sinindihan ng ibang tao sa bahay.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DOH sa publiko na ang paggamit ng paputok sa bahay ay isang panganib hindi lamang sa sarili kundi sa pamilya.
Anito pa, “Mag-isip muna tayo ng dalawang beses bago tayo magsindi ng fireworks para sa kaligtasan natin at ng ating mga mahal sa buhay.”
Kinumpirma rin ng DOH na habang malapit nang magsara ang FWRI surveillance para sa katatapos na kapaskuhan, nakakatanggap pa rin sila mga ulat at datos na kanilang gagamitin para mahigpit na itulak ang mga hakbang para sa Pasko 2024 at Bagong Taon 2025.