Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na naitala na nila sa bansa ang unang kumpirmadong stray bullet injury (SBI) at ang unang pagkamatay dahil sa paputok.

Ayon sa DOH, ang biktima ng ligaw na bala ay isang 23-taong gulang na lalaki mula sa Davao Region na nagkaroon ng tama ng bala sa kanyang kaliwang itaas na likod.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Samantala, ang unang namatay naman dahil sa paputok ay isang 38-anyos na lalaki na mula sa Ilocos Region na habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan ay nagsindi ng sigarilyo malapit sa mga nakaimbak na paputok.

Batay sa FWRI Report #12, ang naturang mga insidente ng ligaw na bala at pagkamatay sa paputok ay kabilang sa 212 bagong kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) na naitala nila mula 6:00AM ng Disyembre 21, 2023 hanggang 5:59AM ng Enero 2, 2024.

Ayon sa DOH, ang pinakabata sa mga bagong kaso ng biktima ng paputok ay isang taong gulang lamang habang 71-taong gulang naman ang pinakamatanda.

Halos walo sa 10 ng mga bagong kaso ay mga lalaki, na nasa 166 kaso o 79%.

Nasa 97% naman o 206 sa mga bagong kaso ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan habang halos kalahati o 102 kaso o 49%, ay dahil sa legal na paputok.

Mas mababa naman sa kalahati ng mga kaso o nasa 94 o 45%, ay may aktibong paglahok sa pagpapaputok.

“Kasama sa mga bagong kaso ang unang SBI at ang unang pagkamatay,” anang DOH.

Samantala, may anim na bagong kaso rin ng amputation, kaya umabot na sa 17 ang kabuuan nito.

Anang DOH, nasa 122 o 28% naman ng mga kaso ang may mga pinsala sa mata, na humahantong sa isang kumpirmadong kaso ng pagkabulag.

Mayroon din anilang isa pang kaso nang pagkawala ng pandinig, kaya’t umaabot na sa dalawa ang nabingi dahil sa paputok.

Wala namang naitala ang DOH ng karagdagang ulat ng paglunok ng paputok.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DOH sa publiko na magsikap na iwasan ang mga pinsala sa pagkamatay buhat sa ligaw na bala at aksidente dahil sa kalasingan.

Anito, “Hindi dapat magsama ang baril, alak, at paputok.”

Dagdag pa ng DOH, “Magsikap tayo upang maiwasan ang mga pinsala at pagkamatay mula sa ligaw na bala at "aksidente" dahil sa kalasingan. Alam ng mga responsableng may-ari ng baril na ang balang ipinutok pataas ay bababa rin, at hindi gamit para sa pagdiriwang ang baril.”

“Ang pagkamatay na iniulat ngayon ay isang insidente na naghihintay na mangyari dahil ang alak ay nakasisira ng wastong pagiisip. Maiiwasan natin ang mga ito; dapat tayong magtulungan sa lahat ng sektor para dito,” anito pa.

Ayon sa DOH, sa kabuuan, ay mayroon na silang naitalang 443 FWRIs, kabilang ang 441 pagkasugat dahil sa paputok; isa dahil sa paglunok ng Watusi, at isang stray bullet injury.

Ang halos anim sa bawat 10 kaso ay nagmumula sa National Capital Region (NCR), na may naitalang 254 kaso o 57%, kasunod ang Ilocos Region (36, 8%), Cagayan Valley (35, 8%), at CALABARZON (28, 7%).

Ang mga tukoy na paputok na nagdudulot ng hindi bababa sa pito sa

bawat 10 FWRI o 70%, na nasa pababang pagkakasunud-sunod, ay ang kwitis, na legal na paputok; 5-star, boga, at pla-pla, na pawang ilegal na paputok; whistle bomb, fountain, at luces, na pawang legal na paputok; at piccolo at triangle, na parehong ilegal na paputok.

Anang DOH, ang mga Ilegal na paputok ay dapat sisihin sa apat lamang sa bawat 10 kaso o nasa 173 o 39%.