Umabot na sa 30 ang bilang ng mga indibidwal na naitalang nasawi dahil sa magnitude 7.6 na lindol na nagpayanig sa Japan nitong Lunes, Enero 1, 2024, ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Martes, Enero 2.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng Ishikawa prefectural government na kalahati sa mga naitalang nasawi ay mula sa City of Wajima, kung saan sumiklab din daw ang malaking sunog matapos ang lindol.
Samantala, 14 din umano ang naitalang nagtamo ng “serious injury.”
Matatandaang tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa rehiyon ng Noto sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon (0710 GMT).
Agad na naglabas ang Meteorological Agency ng Japan ng tsunami warning sa western coastal regions.
Makalipas lamang ang 10 minuto, naiulat ang unang tsunami waves sa western coastal regions, na umabot daw sa apat na talampakan ang taas.
Nito lamang Martes ng umaga nang alisin ng ahensya ang lahat ng tsunami advisories kaugnay ng naturang lindol.
Inihayag naman ng Japan Meteorological Office nitong Martes na umabot na rin umano sa 155 ang bilang ng mga pagyanig sa lugar, kasama na ang nasabing malakas na lindol.
Kaugnay na Balita:
https://balita.net.ph/2024/01/02/pbbm-nakiramay-sa-mga-apektado-ng-m7-6-na-lindol-sa-japan/