Umabot na sa 155 ang bilang ng mga yumanig na lindol sa bansang Japan, kabilang na rito ang magnitude 7.6 na tumama nitong New Year’s Day, ayon sa Japan Meteorological Office nitong Martes, Enero 2.

Sa ulat ng Agence France-Presse, bukod sa magnitude 7.6 na yumanig mismo noong Bagong Taon, Enero 1, ay isang malakas na magnitude 6 din ang tumama sa naturang bansa.

Kaugnay nito, ayon kay Prime Minister Fumio Kishida, nagdulot ng “extensive damage” ang malalakas na lindol.

"Very extensive damage has been confirmed, including numerous casualties, building collapses and fires," aniya sa mga mamamahayag.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Base naman sa ulat ng CNN, umabot na umano sa anim ang naitalang nasawi sa Ishikawa, habang ilang dosena rin daw ang sugatan dahil sa malakas na lindol.

Sa ngayon ay 45,700 kabahayan pa umano ang nananatiling walang kuryente sa kanlurang bahagi ng Ishikawa.

Minamadali na rin daw ng 1,000 military personnel ang pag-rescue sa mga biktima sa lugar na hanggang ngayon ay nawawala.

Matatandaang tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa rehiyon ng Noto sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon (0710 GMT).

Agad na naglabas ang Meteorological Agency ng Japan ng tsunami warning sa western coastal regions.

Makalipas lamang ang 10 minuto, naiulat ang unang tsunami waves sa western coastal regions, na umabot daw sa apat na talampakan ang taas.

Nito lamang Martes ng umaga nang alisin ng ahensya ang lahat ng tsunami advisories kaugnay ng naturang lindol.