Kung nahahabaan ka na sa 365 araw noong 2023, puwes may mas magandang balita ang 2024 para sa ‘yo.

Bukod sa nakasanayang 365, may dagdag na isang araw ang taong ito dahil nakatakda ang 2024 bilang leap year sang-ayon sa tuntunin ng mga eksperto.

Ibig sabihin, dalawa lang ‘yan: isang araw na puno ng pag-asa. O isang araw na puro imbyerna. 

Pero bago pa natin isipin ang mga darating na mas malalaking problema, alamin muna natin kung ano ba ang leap year na ‘yan at paano ba nagkakaroon nito? 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon sa mga tala, ang leap year daw ay nangyayari tuwing apat na taon kung kailan nagdadagdag tayo ng isang araw sa kalendaryo. 

Nagsimula umano ito noong 45 B.C. noong ipatupad ni Julius Caesar ang kaniyang Julian Calendar. 

Pero dahil sa nakitang discrepancy sa kalendaryo ni Caesar, kalaunan ay pinalitan ito ni Pope Gregory XIII noong 1582 A.D. ng Gregorian calendar na kasalukuyang ginagamit ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa eksklusibong panayam ng GMA News “Unang Balita” kay Edmund Rosales, isang astronomer, ipinaliwanag niya kung paano nagkakaroon ng leap year.

“Ang tunay na pag-ikot kasi ng mundo nakasanayan natin na 24 hours. Ang tunay na pag-ikot ng mundo umaabot lang ng 23 hours 56 minutes. So kung titingnan natin, sa bawat araw mayroon tayong kulang na apat na minuto. ‘Yung apat na minuto na ‘yon, kung tinipon natin sa isang taon, makakaipon tayo ng about six hours," saad ni Rosales.

Kaya kapag pinagsasama-sama daw ang anim na oras na ‘yon sa loob ng apat na taon, magkakaroon tayo ng kabuuang 24 oras na ang katumbas ay isang araw. At ‘yon ang idinadagdag sa buwan ng Pebrero.

Pero ayon kay Rosales: “Hindi lahat ng four years, fourth year, e, puwede maging leap year. May rule diyan na it should be divisible by 4 or 400.”

Ayon pa sa National Aeronautics and Space Administration (NASA), mahalaga umano ang pagkakaroon ng leap year sapagkat napapanatili nitong magkatugma ang calendar year at solar year. Ang solar year ay ang tagal na iginugugol ng daigdig sa pag-ikot sa araw.

At take note, hindi lang Earth ang may leap year. Pati ibang planetang gaya ng Mars ay mayroon nito.