Kasamang sumalang ni Kim Molina ang kaniyang “My Zombabe” co-star na si Empoy Marquez sa latest vlog ni showbiz insider Ogie Diaz kamakailan.
Isa sa mga napag-usapan nilang tatlo ay ang tungkol sa kung paano inuunawa si Kim ng jowa niya kapag may nakakatambal siyang iba sa pelikula.
“Buti hindi nagseselos si Jerald Napoles sa mga nakakatambal mo sa pelikula lalo na sa ‘Momol Nights’. Grabe ‘yung ginawa n’yo ni Kit Thompson,” sey ni Ogie.
“Hindi po,” sagot naman ni Kim, “si Je kasi sanay siya. Kumbaga parang sa theater tapos alam niya ‘pag work, work lang.”
In fact, si Kim pa nga raw ang mas nagseselos kapag si Jerald ang nagkakaroon ng ibang kapareha.
“Selosa po kasi talaga ako. So we had to work on that ‘pag kami ni Je. Kailangan niya akong kausapin. Parang bago sa akin ang lahat. ‘Di ko naman in-expect na magkakaroon ako ng jowa na mag-aartista din,” paliwanag ni Kim.
Naitanong tuloy ni Ogie kay Kim kung hindi raw ba pinagdudahan ni Jerald ang naging pagtatambal nila ni Empoy.
“Actually, medyo may problema po kami ngayon, Ma,” saad ni Kim sabay pabirong umiyak.
Sinaway naman siya ng kaniyang co-star at agad na binawi ang sinabi niya kay Ogie.
“Wala po. Wala pala. Tropa sila. Excited nga po siya e noong nalaman niyang may movie kami,” ani Kim.
Isa namang nakakaintrigang rebelasyon ang sinabi ni Kim nang usisain siya ni Ogie kung may love scene o kissing scene sila ni Empoy sa pelikula.
“Wala po. May patungan. May patungan pong mangyayari,” pagsisiwalat ng aktres.
Humagalpak ng tawa si Empoy matapos marinig ang sagot na iyon ng kaniyang co-star.
Tila magiging kaabang-abang talaga itong “My Zombabe” nina Kim at Empoy. Lalo pa’t isa raw itong post-apocalyptic film.
Kaya ano pang hinihintay? Ihanda na ang sarili dahil magsisimula na itong ipalabas sa mga sinehan sa bansa sa darating na Enero 8.